Maraming tao ang may sakit sa puso at hindi nila ito alam. Kadalasang walang sintomas ang mataas na presyon ng dugo, mataas na cholesterol, at mataas na blood sugar. Ito ang dahilan kung bakit napakahalaga ng regular na screening sa iyong mga checkup. Maagang matutukoy ang mga problema ng simpleng pagsusuri sa presyon ng sugo o pagsusuri ng dugo, bago mapahamak ng mga ito ang iyong puso.
Bakit Mahalaga ang Kalusugan ng Puso
Kumikilos ang iyong puso buong araw, bawat araw. Sa pagpapanatiling malusog nito, mapapaliit ang panganib na magkaroon ka ng sakit sa puso, mataas na presyon ng dugo, stroke, at diabetes. Ang magandang balita, malaki ang magagawa ng maliliit at araw-araw na hakbang.
Kumain para sa Malusog na Puso
Subukan ang isang simpleng pagbabago:
- Punan ang kalahati ng plato mo ng makukulay na prutas at gulay.
- Pumili ng mga whole grain tulad ng brown rice o whole wheat tortilla.
- Pumili ng mga lean protein tulad ng beans, isda, tokwa, o manok.
- Uminom ng tubig sa halip na matatamis na inumin tulad ng softdrinks o milk tea.
Nakakatulong ang masusustansyang pagkain na mapababa ang presyon ng dugo at cholesterol (taba sa dugo), na nagpoprotekta sa iyong puso.
Diabetes at ang Iyong Puso
Malapit na nauugnay ang diabetes at kalusugan ng puso. Puwedeng mapinsala ng mataas na blood sugar ang mga blood vessel sa paglipas ng panahon. Kung mayroon kang diabetes o may panganib kang magkaroon nito, tanungin ang iyong doktor tungkol sa simpleng pagpapasuri ng dugo. Sa pananatiling aktibo at pagkain nang balanse, makokontrol ang blood sugar at mapoprotektahan ang iyong puso.
Madadaling Hakbang Para sa Malusog na Puso
- Igalaw ang iyong katawan sa loob ng 30 minuto sa karamihan ng araw—kasama ang paglalakad.
- Matulog nang sapat (7–8 oras para sa karamihan ng nasa hustong gulang).
- Iwasan ang paninigarilyo o pagve-vape.
- Uminom ng gamot ayon sa inireseta.
Magagawa mo ito.
Pasasalamatan ka ng iyong puso para sa bawat malusog na pagpili mo.